Chapter 5: Ang Caregiver
- Aileen Kessop
- Jun 15, 2022
- 3 min read
Updated: Jun 23, 2022

Halata ang pagkairita ni Belinda. Nagpaalam na siya kay Lorena, ni hindi nya pinansin si Felix hanggang makalabas na sya ng pinto.
Sa labas ng bahay madadaanan pa nya sila Benok at Dong na nagtatawanan pa rin. Wala naman siyang mapapala kung papatulan pa nya tong mga tambay na 'to.
Kung tutuusin, hindi naman masama ang mga tambay dito sa Barangay Iba. Tsismoso lang talaga ang mga tao pero mas komporatble sya dito kaysa sa naging buhay nya noon sa Maynila.
Dati syang SM lady sa Quiapo. Ibang-iba ang itsura nya noon, makapal syang mag-make up. Palaging naka-pencil skirt na uniform at sa itsurang ganun mag-aabang sya ng jeep para makapasok ng trabaho. Hindi madali, isa lang syang langgam noon na nakikipag-agawan sa libo-libong langgam sa kalsada araw-araw.
Hanggang sa pinapunta sya ng kanyang tiyahin dito sa Barangay Iba, mahigit isang taon na ang nakakaraan. Magma-migrate na kasi sa Australia para sa boyfriend at sa trabaho, kaya lang maiiwan ang nanay nyang ulyanin dito sa Pilipinas kaya naghanap ng kamag-anak na mapapagkatiwalaan para alagaan, at si Belinda na nga iyon.
Simple lang naman ang magiging trabaho, siguraduhin lang na hindi magugutom si lola, na maiinom nito ang gamot sa oras, at mapapanood nito ang mga paboritong palabas sa TV para hindi topakin. Kayang-kaya naman ni Belinda yun, nakikipagbalyahan nga sya sa Quiapo makasakay lang ng jeep ito pa ba? Kaya nung araw na kailangan nang umalis ng tiyahin inabot na nito ang listahan ng mga gamot, susi ng bahay, at listahan ng mga phone numbers hindi lang niya sa Australia pero pati ng mga kapatid nito sa America- mga magpapasweldo sa kanya at magsusustento kay lola.
Totoo naman, madali lang ang mga unang araw, mga unang linggo at buwan. Hindi mahirap alagaan si lola, kahit ulyanin na naalala pa rin nya yung mga basic na kailangan nyang gawin gaya ng pagkain, paggamit ng banyo at pag-upo sa harap ng TV, basta nasa loob ito ng bahay hindi siya nalilito.
Ang hindi napaghandaan ni Belinda ay yung sarili nyang pagkabato, kumpara sa buhay nya sa Maynila, mas tahimik dito, nalilibang sya sa paminsan-minsang pagdalaw nya kay Lorena pero maliban dun wala na syang mapaglibangan at hindi rin naman ganun kalaki ang pasweldo sa kanya... pero yung sustento kay Lola, yun ang pwede nyang magawan ng paraan. Kaya nang minsang tumawag yung tiyahin nya habang pinapakain nya si lola sa harap ng TV,
TIYAHIN: Napadala na namin yung sustento ni lola ha.
BELINDA: Yung sweldo ko po?
TIYAHIN: Oo nakadagdag na dun.
BELINDA: Papadagdagan ko sana ng 500 yung sustento ni lola.
TIYAHIN: O bakit na naman?
BELINDA: Pambayad ng Cable kasi ang labo ng antenna dito.
TIYAHIN: Grabe naman Belinda baka akala mo namumulot kami ng pera dito!
BELINDA: O bakit? Kung ayaw nyo sabihin nyo lang... Pwede naman akong bumalik ng Maynila... kaya nyo bang maghanap ng ibang mag-aalaga dito?
Matatahimik ang kausap ni Belinda.
BELINDA: Ano po?
TIYAHIN: O sige na sige, idadagdag namin sa susunod na padala, sayang yung transfer fee.
Binaba ni Belinda yung receiver ng telepono na may namumuong ngiti sa labi nya. Nilapitan nya si lola na nakatutok na sa pinapanood, nagsimula na ang drama marathon sa hapon. Sakto!
BELINDA: ‘La! Alis muna ko ha, kunin ko lang pera natin!
Kikiligin si Belinda pero blangko pa rin ang tingin ni lola sa TV. Ituturo nito yung TV kay Belinda at alam na ni Belinda na hinihingi nito ang remote- tama, naiintidihan pa rin naman siya kahit ulyanin, hahawakan na nito ang remote control para kahit umalis si Belinda hindi na nya hahanapin dahil hawak na nya.
Iaabot ni Belinda ang remote, ngingiti si lola. Pwede nang gumala si Belinda.
All characters and storylines are copyrighted under the author and Lucid Dreams Creatives. Any adaptation in print or other formats should be arranged through LDC. Fan arts are welcome just mention us in your socials and we'll appreciate it.
Contact us at: luciddreamscreatives@gmail.com
Comments