top of page
Search

CHAPTER 3: Ang Errand Boy

Updated: Jun 23, 2022


Sa tindahan sa kanto ng kalye Crisostomo, nag-uumpukan ang mga tambay ng barangay. Nandito si Felix, kasama ang dalawa pa nyang kaibigan si BENOK, 26 yo at si DONG, 22 yo. Nagtatawanan ng malakas, ang topic ay si Marites kasi ngayon lang uli may bagong salta dito sa Barangay Iba.

Mula sa malayo makikita si Junjun na naka-bike galing sa bahay ni Marites. Nang makita siya nila Felix kakantyawan at aayaing tumagay. Hihinto si Junjun at lalo syang kakantyawan.


BENOK:Gago tong si Junjun tirador ng mga bagong salta! Ano kamusta ba?

Hindi ma-gets ni Junjun ang bastos mode ng mga kausap kaya di nya papansinin nya yung sinabi. Lalapit sya kay Felix.


JUNJUN: Felix, may gagawin ka ba bukas?


Iiling si Felix.


JUNJUN: Pwede ka ba nyang makuhang tubero? May mga sirang tubo kasi sa bahay ni Tandang Poleng kaya hindi nya magamit yung gripo sa banyo.


FELIX: O sige, bukas. Kahit umaga pwede ako.


Kakantyawan ng mga kabarkada si Felix.


BENOK: Ayun pala o, magpapaayos ng tubo! Sakto!


JUNJUN: O sige, susunduin kita, ako na magpapakilala sa yo.


BENOK: Ayos Junjun ah, di ka na basta-basta utusan, ahente ka na ngayon. Sa susunod mag-a-apply na rin kami ni Dong sa yo ha!


Magtatawanan sila Felix. Kita ang pagkainis ni Junjun. Hindi naman sa nainsulto sya na tinawag syang utusan, hindi lang nya talaga masakyan ang mga tambay ng barangay.


Sa murang edad kilala na si Junjun ng halos lahat ng nakatira sa Barangay Iba. Kapag may baradong bubong, mga damong kailangang igapas, mga sangang kailangang putulin, siya agad ang hahanapin.


Ilang taon na ang nakakaraan nang mabigat ang loob na umuwi si Junjun dala ang report card galing sa eskwela. Pagdating sa bahay inabot niya sa nanay nya ang report card na puro pula ang grades. Tandang-tanda ni Junjun kung paanong nanlaki ang mata ng ina at tila slow-motion na bumuka ang bibig para humiyaw sa sobrang pagkadismaya.


Tumakbo palabas si Junjun habang may nagliliparang mga kaldero at sandok at sumisigaw ang nanay nya sa galit.


NANAY NI JUNJUN: Nagpapakahirap ako kakalaba tapos ganito iuuwi mo sa kin! Bakit ka pa nag-aaral kung wala kang natututunan!? Bulakbol ka ng bulakbol!


Para hayaang bumaba muna ang alta presyon ng ina, sumakay ng bike nya si Junjun, hindi alam kung saan sya pupunta, basta uuwi rin sya bago gumabi. Napahinto si Junjun sa tapat ng bahay ni Kapitana.


Pinara siya ni Kapitana para magpatulong kasi may hinihilang bumagsak na sanga sa bakuran yung katulong nya kaso hindi umuusad. Pagkatapos igilid ni Junjun ang bike, tinulungan nyang hilahin ang sanga. Siguro dahil ayaw nya munang isipin ang sama ng loob sa sarili nilang bahay ngayon, nag-isip pa sya ng ibang pwedeng gawin para manatili doon. Kusa nyang kinuha ang walis tingting at nilinisan yung nadumihang kalsada.


Tuwang-tuwa syang pinanood ni Kapitana.


Nang matapos na magwalis si Junjun, lumapit si kapitana at pasimpleng inabot sa kamay nya ang dalawang piraso ng 100 peso bill sa kamay. Nagulat si Junjun, pero nakangiti si kapitana lalo nang makita ang ekspresyon nya. Ngayon lang may nagbigay sa kanya ng ganito. Nagpasalamat siya atsaka kinuha uli ang bike at umuwi nang masaya. Mula noon, dahil na rin sa pagrereto ni kapitana, sya na ang errand boy ng Barangay Iba.


Kaya tanggap nya ang tawaging "utusan" pero yung pagkakasabi ng salitang yun mula sa bibig ng isang tambay na si Benok, parang may mali. Hindi napigilan ni Junjun na irapan si Benok bago pa sya mag-bike palayo ng tindahan.


All characters and storylines are copyrighted under the author and Lucid Dreams Creatives. Any adaptation in print or other formats should be arranged through LDC. Fan arts are welcome just mention us in your socials and we'll appreciate it.

Contact us at: luciddreamscreatives@gmail.com

 
 
 

Comments


follow us:
  • White YouTube Icon
LDC
Sa alamat na ito, sino si ba ang totoong Marites?

All characters and storylines are copyrighted under the author and Lucid Dreams Creatives. Any adaptation in print or other formats should be arranged through LDC. Fan arts are welcome just mention us in your socials and we'll appreciate it.

Contact us at: luciddreamscreatives@gmail.com

Thanks for submitting!

© 2023 by DO IT YOURSELF. Proudly created with Wix.com

bottom of page